ulan

nakalulunod
ang bawat patak
ng ulan –
ulang hindi nagmula
sa pisngi ng langit
kundi sa mga matang
ng kaluluwang
namamanglaw…

luoy

minsan kahit anong dilig
sa pusong patay na’t
wala nang pintig:
parang halaman itong
nawalan ng tubig
patuluan man nang dugo’y
mananatiling luoy,
isang patay na siit.

carzada

binabaybay kitang dumadagundong
ang aking puso sa pagkasabik

hinahanap ng antatao
ang kilalang-kilalang anino

buong maghapon, mag-iikot
nakakahilo, nakakaliyo

hindi dahil sa insenso ng usok ng tambutso
hindi dahil sa sari-saring dahong inilalako

kundi hindi minsang makayanan
ang tibok niyaring puso

at ang pagbukal ng isang kakaibang pakiramdam
doon sa aking sulok at sa aking kaibuturan

magsasalubong – mata sa mata
at ang hagyang titig ay malalaman mo na

lalandasin ang mga butas ng karayom
hanggang ang dilim ang sa atin ang maglalagom

hindi tayo magkakilala
ikaw ang aking dulce extranjera

tatakbong unti-unti ang oras
at hahabulin nating buong gilas

hanggang sa marating natin ang sikip at lawak
ng isang lihim na pagtitipanan

at matapos ang lahat
matapos ang pagkilala sa isa’t isa
muling maglalakad, magkahiwalay
muling lalamunin ang himig ng ating mga lalamunan
ng ingay ng lungsod at usok ng kawalan
ang awit na nalilikha lamang
kung pabayayaang ipaghele tayo
ng mga anghel sa ating isipan…

PAGKAKATAON

nakapanghihinayang

kung nabigyan mo lamang
kahit kaunting pagkakataon
disin sana’y naipalasap ko sa iyo
ang tamis at rubdob ng aking pagmamahal.

ngunit

hanggang ganito na lamang
hanggang pag-asam na lamang
dahil kahit kailan
ang pagkakataong iyon
ay hindi na dumatal…

Kumpisal

aaminin ko
hinahanap pa rin kita:

sa panaginip
at sa pagkagising

sa aking mga ilusyon

at mga katotohanan

para bang hibang
tinawag minsan ang iyong matamis na pangalan

maghihintay ng tugon
kahit alingawngaw.

ano nga bang mayroon ka?
bakit hindi mapaknit sa isip
ang samyo ng iyong katawan
ang ngiti sa iyong mukha
ang kurba ng iyong balakang
ang may kulay mong buhok?

dumadalangin ako –
totoo
na sana, kahit minsan
makasalubong kita sa daan
makamayan man lamang
kahit hindi na mayapos
at mahagkan
(kailan ba naglapat ang mga labi?
hinahalikan kita sa iyong ngiti…)
ang init ng iyong palad
at ang iyong samyo ay sapat na
sapat na para tuluyang
ibaon sa limot ang iyong mga alaala…

kung sakali man

sakali mang maubusan
na ako ng maisusulat na tula
hayaan mong ialay ko
ang huling berso ko sa iyo.

hayaang maging tagulaylay
oda, awit, kundiman,
at pahimakas ito
sa huling pagsisiping
ng mga titik at tinta
sa mukha ng puting-puting papel.

hayaan mong sa huling pagkakataon
muling pasiklutin ang puso mo
ng ilang salitang naglalaro
sa liwasan ng mga ritmo
at mga talinghaga.

at sakaling manaw na
hayaang kumaway
at matamis na magpaalam,
kumaway ang mga tuldok at kuwit
sa puso mong kaytamis

at bago tuluyang humimlay
ang hiwaga at titik
sa diwa mo ay maihalik.
kung sakali man…
kung sakali man…

haplos at ulos

kung haplusin mo ako
gusto ko iyong may dahas
nang maramdaman ko
ang bawat siklot at lagablab

gaya ng hampas ng alon
sa tuwing humahalik
sa batuhan at buhanginan
doon sa dalampasigan

gaya ng sagitsit ng apoy
kapag nasalakab ang siit
sa pinakabunganga
ng abuhing kalanan

tulad ng haplit ng hangin
ng nagngangalit na buhawi
na kayang higupin ang lahat
at kaya rin namang isuka ang lahat

huwag mo akong haplusin
na para bang pasusuhing sanggol
kundi iparamdam mo sa puso
ang dahas ng damdamin

upang mapagtanto ko
ang lakas o hina
ng dagundong
ng sinasabing pag-irog

para magising din
agad magbangon sa pagkakagupiling
sa ilusyon o delusyon
ng sinasabing tunay na pagmamahal.

pakiusap
ipadama mo sa akin
ang dahas ng tinatawag
na pagmamahal